Poetry, Prose, Essays and Other Works by Rob San Miguel, a Professional Nobody.

Search This Blog

ADVISORY

Some poems contain words that are acceptable to open-minded adult readers only

06 May 2012

Musika o Ingay: Bakit Mahilig Umawit ang Pinoy nang Malakas?

Ang sarap umawait, hindi ba? Mahilig tayong mga Pinoy sa kantahan. Basta may handaan o  gimik ng mga barkada o buong mag-anak, unang pipiliin ang mag-karaoke, mag-singalong, mag-videoke,  mag-KTV o anu pa mang tawag dito.  Kanta umaga hangang gabi.  Hindi importante kung maganda ang boses o pangit, basta ramdam na ramdam mo ang awitin, papalakpakan ka.

Marami ang naiingit, namamangha at kung minsan ay nagtataka sa ating Pilipino.  May mga ilang mga banyagang komedyante na tulad ni Russell Peters na nagbiro tungkol sa ating pagkahilig sa karaoke.   Minsan pa nga, nae-enganyo pa natin ang mga banyaga na umawit. Talagang masayahin ang Pinoy. May likas na pagmamahal sa buhay kahit ilang libong taon na tayong lunod sa paghihikahos.  Marahil dahil libre ang umawit. Ang musika ay isang handog ng Diyos sa tao.  Kahit sino, mayaman o mahirap, maaring umawit.

Napamahal siguro tayo sa musika dahil punung-puno ang ating kapaligiran ng musika.  Napaganda siguro ng mundo ng ating mga ninuno kung saan ang kapaligiran ay nababalutan ng musika, mula sa sipol ng hangin sa dalampasigan, huni ng mga ibon sa kabundukan, ang kumpas ng alon sa dagat at mga hymno ng mga dahon habang sumasayaw sa simoy.  Hindi nakapagtataka kung bakit mahilig tayong umawit. Tila ba ang buong kalikasan at inuudyok tayo na mabighani sa musika.   Nang dumating ang mga Kastila, isa ring lahi na mahilig sa musika, nadagdagan ng ibang dimensiyon ang ating pagkahilig sa musika.  Ngunit sa modernong panahon sa napakaingay na lungsod, anung uri ng musika ang ating naririnig? Musika pa rin ba silang matatawag?

Sa aming lugar, may mga kapitbahay kaming minsan ay nag-vivideoke ng mula tanghali  hanggang alas tres ng madaling araw.  Kung minsan naman, may mga ilang Christian groups sa aming lugar, at sila naman ay umaawit. Minsan, tuwing linggo, pero minsan pati ordinaryong araw.  May mga araw na nagsasabay umawit ang ibang kapitbahay at ang Christian groups. Malakas ang awitan at naririnig ng lahat nang nakatira sa kalye.  Walang nagrereklamo kahit minsan ay naiirita na ang iba dahil sa lakas ng awitan at sa haba.  Sa mga oras na dapat natutulog na ang mga tao, tuloy pa rin ang awitan.

Walang nagrereklamo. Bakit kaya?  Masamang asal ba ang magreklamo kapag napakalas ng awit ng mga Christian groups?  Awit iyon tungkol sa Diyos kaya kapag nagreklamo ka, makasalan ka o isa kang taong walang pananampalataya. Isa kang ateista.  Kung magreklamo ka naman sa mga kapitbahay mong umaawit ng mga pop songs sa kanilang home videoke, lalabas kang kill joy o boring o mayabang.

Sa buong mundo, kilala tayong Pilipino na ubod ng talentado sa larangan ng pag-awit. Likas sa ating Pinoy ang maging malapit sa musika. Likas din kaya sa ating Pilipino ang kawalan ng magandang asal? Basta lang makaawit, walang pakialam kung nakakagambala sa kapitbahay?  Sabi nga ng isang kakilala ko, “Eh anu ba? Wala silang pakialam kung malakas ang awit ko. Bahay ko naman ito! Problema nila, wala silang boses!”

Kailan kaya nagiging ingay ang musika? Alam kaya nating mga Pinoy?

P.S.

Habang pino-post ko ang sanaysay na ito, katatapos palang awitin ng aming kapitbahay ang Pambansang Awit ala Regine Velasquez, at ngayon iba naman ang umaawit ng "She Bangs" ni Ricky Martin. Gusto ko sanang magpapatugtug ng "Welcome to the Jungle" ng Guns and Roses.  Kaya lang may ________  ako.


(First published in “The Chair” Blog)

No comments:

Post a Comment

SATIRICAL COMIC STRIP

SATIRICAL COMIC STRIP
Click banner to go to the site